Patay ang dalawang hinihinalaang drug suspeks matapos manlaban umano sa isinagawang anti-illegal drug operations ng mga pulis sa may Brgy. San Antonio, Binan City, Laguna.

Kinilala ng Police Regional Office-4A ang mga nasawi sina Renz Duran Avila at Anthony Carpo Carait.

Batay sa impormasyon, alas-4:00 ng madaling araw kanina habang nagsasagawa ng buy bust operation ang mga police operatives, nakatunog umano ang mga suspeks na pulis pala ang kanilang mga katransaksyon.

Matapos magbayad ng P1,000 kapalit ng isang pakete ng shabu, pinaputukan ng suspek ang poseur-buyer na isang pulis.

Dahil dito, gumanti ang mga back up na pulis na kasama sa operasyon na nagresulta sa pagkasawi sa mga suspeks.

Narekober naman sa lugar ng engkwentro ang pitong pakete ng hinihinalang shabu at dalawang kalibre .38 na baril.