CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay sa pagamutan ang dalawang bata nang masabugan ng bomba sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga napatay na sina Daniel Amora, 7, at Omar Amilol, 5, at mga residente ng Sitio Santillano, Brgy Macabiso, Sultan Mastura, Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao police provincial director Colonel Arnold Santiago na habang naglalaro ang mga biktima sa likod ng kanilang bahay ay narinig lamang ng mga kapitbahay ang malakas na pagsabog.

Nagtamo ng matinding sugat ang dalawang bata sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan kaya agad itong dinala sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City ngunit makalipas ang mahigit tatlong oras ay binawian ng buhay ang mga biktima.

Marami ang naniniwala na posibling bala ng 40mm high explosives o M79 grenade launchers na pinaputok ng mga armadong grupo na tumama sa mga naglalarong mga biktima.

-- Advertisement --

May namumuong gulo o alitan sa lupa ng dalawang pamilya sa naturang lugar.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Sultan Mastura PNP sa nangyaring pagsabog.