CENTRAL MINDANAO – Isa ang sugatan at dalawang bahay ang sinunog ng mga armadong grupo sa engkwentro sa probinsya ng Cotabato.

Ayon sa ulat ng mga sibilyan, una umanong sinalakay ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang mga magsasaka na nagkokopra ng niyog sa Sitio Balite, Brgy Bagolibas, Aleosan, Cotabato.

Gumanti umano ang mga residente at inatake ang kuta ng mga rebelde sa hangganan ng Brgy Dungguan at Brgy Bagolibas sa bayan ng Aleosan.

Namataan din ang ilang miyembro ng Ilaga Reform Movement na pawang mga armado ng mga matataas na uri ng armas ang tumulong sa mga sibilyan.

May ilang mga residente na rin ang lumikas sa takot na maipit sa gulo.

Sa ngayon ay mga sundalo at pulis na ang nagbabantay sa lugar sa posibleng sorpresang pananalakay ng mga rebelde.