BACOLOD CITY – Nakakulong na ang driver ng truck na nakasagasa-patay sa dalawang taong gulang na paslit sa Sitio Ulalod, Barangay Oringao, Kabankalan City, Negros Occidental kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Staff Sergeant Junrey Escorsuela, traffic investigator ng Kabankalan City Police Station, ang biktima ay kinilalang si Christian Andre Emperado, habang ang truck driver naman ay si Franklin Amorganda, 32, na residente ng Barangay Tamisu, Bais City, Negros Oriental.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na papuntang city proper ang truck nang biglang tumawid ang biktima upang salubungin ang tiyahin na nakita nitong bumaba sa jeep galing sa paaralan.

Pinigilan pa siya ng isa pa niyang tiyahin ngunit nakapalag ang paslit.

Dead on the spot ito matapos magulungan pa ng truck na may kargang softdrinks.

Sa ngayon, hinihintay pa ang desisyon ng pamilya ng biktima kung magsasampa sila ng kaso laban sa suspek.