-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Patay na nang matagpuan sa isang kanal sa loob ng banana plantation ang 2-taong gulang na batang si Ian Meñoza, ilang araw matapos itong iulat ng ina na nawawala mula sa kanilang bahay sa Purok 5, Brgy. Camayahan, Butuan City.

Ang bangkay ay natagpuan ng may-ari ng plantasyon na si Jerome Pajal Dumdum sa masukal at mabundok na bahagi ng kanyang lupa sa Purok 1 ng parehong barangay, na nasa estado na ng pagkabulok.

Matatandaang ilang araw nang hinahanap ang bata na umakyat umano sa kanilang bahay matapos marinig ang paboritong palabas sa cellphone habang nagwawalis angina sa bakuran.

Makalipas ang ilang minuto, hindi na ito nakita sa loob ng bahay, dahilan ng ilang araw na paghahanap at pagsasagawa ng mga tradisyunal na ritwal upang maibalik umano ang bata kung sakaling kinuha ng mga engkanto.

Ikinuwento ni Jerome Dumdum, may-ari ng lupa kung saan natagpuan ang bata, na abala siya sa paglilinis sa kanyang mga tanim na saging nang makasinghot siya ng matinding amoy kaya’t kanyang sinundan.

Mahirap umano makita ang bangkay ng bata dahil natabunan ito ng mga sanga, at ang naging palatandaan lamang ay ang mga langaw na nagtipon dito.

Nang makita niya ang bata, agad siyang umuwi at ipinaalam ito sa kanyang pamilya.