Kabuuang 2,554,023 COVID-19 vaccine doses ang naiturok sa unang araw ng national vaccination program ng pamahalaan, ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje.
Sinabi ni Cabotaje na ang 2.5 million jabs na naiturok kahapon, Nobyembre 29, ay 2.5 times na mas mataas kaysa weekly average na isang milyon.
Dahil sa datos na ito, ang Pilipinas ay kasalukuyang nasa fifth spot sa mga bansa sa buong mundo na mayroong pinakamaraming bilang ng naiturok na bakuna sa loob ng isang araw.
Ang Calabarzon ang siyang may pinakamataas na administration rate, na sinundan ng Central Visayas, Western Visayas, Central Visayas, at Bicol.
Ayon kay Cabotaje, mayroong mga reports na may ilang mga vaccinees na nag-walk in ang hindi nakapagpabakuna.
Kaya naman ipinapaalala niya ang direktiba mula mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte na nagsasabing dapat wala sa mga nakapila ang uuwi na hindi nababakunahan.
Samantala, bukas inaasahan namang mailalabas ng pamahalaan ang bilang ng mga nabakunahan para sa ikalawang araw ng inoculation program.