BAGUIO CITY – Ibinahagi ng kauna-unahang Pilipina na lalaban para sa Miss Galaxy na kanselado na ang international pageant na kanya sanang lalahukan sa darating na Hulyo sa Chicago, Illinois.

Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Miss Galaxy Philippines 2019 Andrea Endicio, inamin nito na noong una ay nalungkot siya sa balitang hindi na matutuloy ngayong taon ang kanyang first international pageant ngunit naintindihan niya naman ang naging desisyon ng organisasyon dahil ito ay para sa kapakanan ng nakararami.

“Ofcourse, ‘nung una, I was quite saddened, kasi excited na ‘kong makita ‘yung mga pageant sisters ko. Nandun ‘yung lungkot pero at the same time, I understand the decision of the pageant organization kasi alam ko naman na iniisip lang nila ‘yung kapakanan ng mga candidates and the people behind this pageant.”

Sinabi rin naman ng dalaga na bilang first Filipina candidate sa nasabing kompetisyon ay hindi niya sinasayang ang oras sa quarantine at lubusan itong naghahanda para masungkit ang korona.

“Right now, I’m just focusing on preparing myself, physically, mentally, emotionally. I trained with the Kagandahang Flores Camp. Lahat talaga ng training pagdadaanan, personality training, lahat. Kailangan mo talagang kontrolin ‘yung sarili mo.”

Si Endicio ay second-year pharmacy student sa University of Santo Tomas at hindi nalalayo sa kanyang kinukuhang kurso ang kanyang adbokasiya.

“My advocacy until now is antimicrobial resistance awareness. I am advocating for proper use of medication, especially ngayon, marami sa atin ang nagse-self-medicate which is a global health risk. I want to use my voice to stop self-medicating.”

Kuwento pa ng 20-year-old beauty queen mula Quezon province na sa kasalukuyan ay ginagamit niya ang kanyang panahon para makatulong sa kanyang komunidad sa panahon ng pandemya.

“I work with my partner foundation. I’m doing my best to contribute to my community, to reach out to those people na pwede kong maabot. Ngayon, limited lang yung galaw natin. As much as possible, I try to do my best to give and share or extend what I can. Konting tulong para sa ating mga frontliners.”

Nabatid na sa susunod na taon na gaganapin ang Miss Galaxy coronation ceremony.