ILOILO CITY – Nahaharap sa patung-patong na kaso ang isang pipi’t bingi matapos mambugbog nang mabulilyaso ang tangkang panggagahasa sa isang babae sa Mina, Iloilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Manang Neneng, ina ng 24 anyos na biktima, sinabi nito na mag-isa lamang ang kanyang anak sa inuupahan nitong bahay ng pinasok ng 19-anyos na suspek.

Ayon kay Manang Neneng, natutulog sa sala ang kanyang anak nang makaramdam na may pumatong sa kanyang katawan.

Nagising ang biktima at doon na nakita na nilalaro ng suspek ang kanyang ari kung kaya’t kaagad itong sumigaw upang makahingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Dahil dito, binugbog ng suspek ang dalaga ngunit bago pa man ito nawalan ng malay, kaagad na nakaresponde ang mga kapitbahay at nahuli ang suspek.

Ayon sa ina, natipuhan umano ng suspek ang kanyang anak na isang student teacher at beauty queen.

Posible na sa bintana dumaan ang suspek sa pamamagitan ng pagtanggal sa jalousie.

Sa ngayon, nahaharap sa kasong attempted rape at serious physicial injuries ang suspek.