Inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno na target ng lokal na pamahalaan ng Maynila na mabakunahan ang 18,000 tao kada araw sakaling magsimula na ang vaccination program ng lungsod kontra coronavirus disease (COVID-19).

Idinagdag pa ng alkalde na posibleng umabot hanggang 540,000 indibidwal ang mabakunahan kada buwan kung masusunod ang mga planong nakalatag ng lokal na pamahalaan.

-- Advertisement --

Ayon pa rito, umabot na sa 18 lugar ang natukoy para sa gagawing pagbabakuna kontra COVID-19.

Sinabi pa ng alkalde na nakatakda silang makipagpulong ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna sa mga opisyal ng Simbahan para sa posibilidad na magamit ang kanilang pasilidad sa vaccination program.

Kuntento aniya ito sa resulta ng unang mass simulation para sa vaccination program na isinagawa sa Isabelo Delos Reyes Elementary School sa Tondo, kung saan 1,000 residente ang lumahok.

Batay sa mga datos umabot na sa 78,000 ang nagparehistro para magpabakuna simula Enero 1, 2021.

Inaasahang darating ang inisyal na suplay ng vaccine na 800,000 doses ngayong Pebrero kung saan aabot sa 400,000 indibidwal ang mababakunahan.