CAUAYAN CITY- Ipinaliwanag ni City Mayor Bernard Dy ang pagkakatala ng 18 panibagong kaso ng COVID-19 sa Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Bernard Dy na ang 18 panibagong kaso ng COVID-19 sa lunsod ay resulta ng isinagawang mass testing ng kagawaran ng Kalusugan (DOH) noong November 23, 2020.

Isinagawa ng DOH ang aggressive mass testing sa Cauayan City dahil sa nangyaring malawakang pagbaha.

Karamihan sa mga nagpositibo ay close contact ng mga nauna ng nagpositibo.

Sa ngayon ay nasa quarantine facilities na sila ng lungsod maliban lamang sa dalawang menor de edad na naka strict home quarantine dahil walang magbabantay sa kanila.

Ayon kay Mayor Bernard Dy, pinag-aaralan pa kung magpapatupad ng calibrated lockdown sa mga lugar na nakapagtala ng kaso.