LEGAZPI CITY – Wala ng buhay at nakatali sa extension wire ang dalawang paa nang matagpuan ang isang lola sa Barangay Apad, Polangui, Albay.

Kinilala ang biktima na si Natividad Villanueva, 66-anyos.

Una rito, napag-alaman na nakatanggap ng tawag sa telepono mula kay Punong Barangay Aiza Recana ang pulisya ukol sa umano’y natagpuang patay sa lugar.

Kaagad namang rumesponde ang kapulisan upang mag-imbestiga habang nakausap ang mga kapatid ng biktima na sina Alejo, 42, at Domingo Villanueva, 73.

Natagpuan umano ng mga ito na nakahiga sa sahig ng kusina si Natividad at hindi na humihinga.

Sa kasagsagan ng pagsisiyasat, umamin ang suspek na kinilalang mismong apo ng biktima na si Albert Villanueva, 18-anyos, na siya ang responsable sa krimen.

Salaysay pa nito na pinukpok niya sa mukha ang lola gamit ang piraso ng kahoy na nagdulot ng agarang kamatayan nito.

Pinag-aaralan pa ang posibleng motibo sa insidente subalit napag-alaman na bago mangyari ang krimen, may sinisingil umano ang lola sa kaniyang apo na dahilan upang magdilim ang paningin nito.