BAGUIO CITY – Binarikadahan ng pulisya ang 17 na adits o small scale mines sa mga sitio ng Texas at Mexico sa Barangay Camp 4, sa bayan ng Tuba, lalawigan ng Benguet.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major James Acod, hepe ng Tuba PNP, sinabi niya na nakatanggap sila ng report ukol sa operasyon ng iligal na pagmimina sa mga nasabing lugar.

Agad silang nagkaroon ng koordinasyon sa Department of Environment and Natural Resources at Environmental Management Bureau para sa isasagawang Oplan Minas o anti-small scale mining operation.

Sa isinagawang operasyon, nakumpiska nila ang isang dismantled ball mill.

Gayunman, bigo silang maaresto ang mga nagtatrabaho sa naturang mga minahan.

Inutusan na rin nila ang mga opisyal ng nasabing barangay na maghigpit sa pagbabantay sa lugar.