Tiniyak ni PNP chief police director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi na makakabalik pa sa serbisyo ang mga pulis na kaniyang sinibak sa serbisyo.

Batay sa datos ng PNP, nasa 160 pulis na ang sinibak sa serbisyo simula ng maupo sa puwesto si Gen. Bato.

Sinabi ni Dela Rosa na hangga’t si Pangulong Rodrigo Duterte ang lider ng bansa, hinding-hindi makakabalik sa tungkulin ang mga nadismis na pulis.

Kahit aniya siya ay retired na, ilalapit pa rin niya sa pangulo para hindi makabalik ang mga police scalawag.

Giit ni Dela Rosa na pag-alis ng PNP chief, ang ginagawa ng mga lokong pulis ay umaapela at papaboran ito ng regional appelate board at hindi alam ng bagong pinuno na nasibak ang mga ito dahil sa sa kalokohan.

Tiniyak naman ni Pangulong Duterte na sinuman ang ma-reinstate sa panahon ng kaniyang administrasyon lalo na ang mga kotong cops at nahaharap sa kasong pag-abuso ay kaniyang ipapa-review.

Kinumpirma ng PNP chief na may mga pulis na una nang nadismis pero na-reinstate subalit pinapa-review na ang kaso nito.

Pero habang nirerebyu ang kaso, doon muna sila magsisilbi sa Autonomous Region in Muslim Mindanao imbes na sa Metro Manila.

Binigyang-diin ni Dela Rosa na kasama sa internal cleansing ang pag-review ng mga kaso.