Hindi na matutuloy sa pagiging pulis ang 16 na mga bagong police recruits.

Ito ay matapos mabunyag na nag-iinuman mismo sa loob ng dormitoryo sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Hindi idinitalye ni PNP chief Gen Archie Francisco Gamboa ang insidente pero batay sa report ang 16 na police recruits ay nag-iinuman at hindi pa nakontento ay pinost pa sa social media ang kanilang mga larawan.

Dahil dito, tinanggal na rin ni Gamboa sa posisyon si National Capital Region Training Center director Lt. Col. Nelvin Ricohermoso dahil sa insidente ng pag-iinuman ng 16 na trainee sa pagkapulis sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Kasama rin sa sinibak ang nasa 14 na pulis na bahagi ng regional training group ng NCRTC.

-- Advertisement --

Ayon kay Gamboa, “misbehavior” ang ginawa ng mga nasabing police recruits lalo na’t may direktiba si Pangulong Duterte na hindi dapat nag-iinuman sa publiko ang mga pulis.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pag-iinuman sa loob ng police at military camps.

Paliwanag ni Gamboa na kaya niya sinibak ang buong training group ay upang ipasailalim aniya ito sa malalimang pagsisiyasat at isagawa ang kasong administratibo laban sa mga sangkot.

Nangako si Gamboa na gagawin niya ang lahat para madisiplina at makastigo ang kaniyang mga pasaway na tauhan na siyang nagbibigay ng negatibong bahid sa PNP organization.