CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang binatilyo kasunod nang nangyaring pamamaril sa probinsya ng Sultan Kudarat.

Nakilala ang biktima na si Jade Nathaniel Pico, 15, residente ng Brgy Buenaflor, Tacurong City.

Ayon sa ulat ng pulisya, naglalakad lamang ang biktima sa Purok 1, Barangay Sinakulay, President Quirino, Sultan Kudarat nang ito ay pagbabarilin ng riding in tandem suspects gamit ang kalibre .45 na pistola.

Naisugod pa ang biktima sa Tomboc-Salayog Hospital sa Tacurong City ngunit dineklara ng mga doktor na dead on arrival.

Sa ngayon ay blangko pa ang pulisya sa President Quirino Sultan Kudarat sa pamumuno ni Captain Jessie Silva sa motibo sa pamamaril sa biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.