GENERAL SANTOS CITY – Inaalam pa ng mga imbestigador ng Makar Police Station ang pagkakakilanlan ng suspek na bumaril-patay sa isang 15-anyos na biktima sa labas ng isang internet cafe sa sa EMB Homes Brgy. Labangal sa General Santos City.

Ang biktima ay kinilalang si Harmon Malangca, residente ng nasabing lugar.

Sugatan din sa insidente ang may-ari ng internet cafe na si Ziahani Bago, 25-anyos, matapos tamaan din ng bala sa paa.

Base sa imbestigasyon, naglalaro ang menor de edad na biktima sa nasabing internet cafe, Biyernes ng gabi nang biglang dumating ang suspek na may takip sa mukha.

Bigla nitong hinila ang biktima palabas saka pinagbabaril, dahilan ng agaran nitong pagkamatay, habang mabilis namang tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo na minamaneho ng isa pang suspek.

-- Advertisement --

Ayon sa mga pulis, kilalang sangkot sa ilang serye ng pagnanakaw sa lugar ang minor de edad na biktima.

Patuloy ngayon sa pangangalap ng impormasyon ang mga otoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.