-- Advertisements --

Lalo pang bubulusok ang kabuuang abaca output ngayong taon kasunod ng pananalasa ng Super Typhoon Rolly sa Catanduanes, ayon sa Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFida).

Sa isang panayam, sinabi ni PhilFida Executive Director Kennedy T. Costales na inaasahan nilang bababa ng 30 percent ang total abaca output ngayong taon dahil sa epekto ng Bagyong Rolly at COVID-19 pandemic.

Sakali mang matuloy ang kanilang pagtataya na ito, ito na marahil aniya ang pinakamalaking pagbagsak ng output sa abaca products sa nakalipas na 20 taon.

Mababatid na ang Catanduanes, isa sa mga probinsya na hinagupit ng Bagyong Rolly, ay ang siyang pinanggagalingan ng 30 percent ng taunang abaca output sa bansa.

Base sa latest government data, ang abaca exports ng Pilipinas mula Enero hanggang Abril 2020 ay tumaas ng 13.6 percent sa $53.942 million mula sa $47.487 million sa kaparehas na period noong nakaraang taon.

Noong 2019, ang Pilipinas, na siyang nagsu-supply ng 87 percent ng global abaca supply, ay nakapag-export ng $156 million halaga ng abaca products.