Nilalapatan na ng lunas ang 12 pasahero ng ELMS bus, matapos itong tumagilid kaninang alas-2:00 ng madaling araw habang nasa Socorro, Oriental Mindoro.

Ayon kay PNP-MIMAROPA Region spokesperson Police Supt. Imelda Tolentino, galing sa Roxas ang nasabing bus na minamaneho ni Marcelino Reyes nang mangyari ang aksidente.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na special permit lamang ang hawak ng driver para sa nasabing byahe at hindi ito ang kaniyang regular na ruta.

Ang naturang permit ay ibinigay lamang para ngayong holiday season, dahil sa dami ng pasaherong nais makauwi sa kani-kanilang probinsya mula sa Metro Manila.

Sa ngayon ay nasa kostudiya na ng pulisya si Reyes para sa malalimang pagsisiyasat.