Lezo Aklan student

KALIBO, Aklan – Patay na nang makarating sa Aklan Provincial Hospital ang isang Grade 12 student matapos na matuhog ng kawayan sa leeg habang nakasakay sa minamanehong motorsiklo bandang alas-6:35 kaninang umaga sa bahagi ng Barangay Poblacion Lezo, Aklan.

Kinilala ang biktimang si Joshua Clarence Mauricio, 18, residente ng Banaybanay Bliss, Malinao, Aklan.

Ayon kay Staff Sgt. Ian Cris Villanueva ng Lezo Police Station, nakasakay ang biktima sa motorsiklo na bumangga sa sinusundang topdown na tricycle na may kargang kawayan na tumusok sa kanyang leeg.

Ang ginamit umanong warning device ng tricycle ay mga dahon lamang na maaari umanong hindi kaagad napansin ng biktima nang lumiko ito papunta sa diversion road sa nasabing lugar.

Nakasuot naman umano ng helmet ang binata, subalit tinamaan pa rin ang kanyang katawan.

Ayon sa mga nakasaksi, mabilis ang pagtatakbo ng biktima sa kanyang motorsiklo.

Sa kabilang dako, kusang sumuko ang driver ng tricycle na si Ronald Baltazar, 40, residente ng Brgy. Rosario, Malinao.

Nakatakdang magkita sa Lunes ang magkabilang kampo upang pag-usapan ang kaso.