TACLOBAN CITY – Patuloy na nilalapatan ng lunas ang 11 indibidwal na sugatan sa nangyaring banggaan ng isang van at motorsiklo sa bayan ng San Roque sa lalawigan Northern Samar.

Batay sa report ng mga kapulisan sa San Roque Municipal Police Station, nagkaroon ng collision ang isang Nissan na sasakyan na may apat na sakay at XRM Honda motorcycle na may sakay na pitong katao.

Kinilala ang driver ng Nissan na si Gino Siervo, 49, residente ng Barangay Coroconog, San Roque.

Sakay naman nito sina Ruve Jazmin, 19, estudyante; Manuel Jazmin at Melvin Robiano, 28.

Samantala minamaneho naman ng isang Rudy Mejos, 42, ang naturang motorsiklo.

Sakay nito ang mga biktima na si Ariel Perez, 23; Reniel Adane, 14; Renel Adane, 16; Elias Adane, 21; Eduardo Morillo, 16, at Jayson Castillo, 18.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis na parehong papunta sa proper ng San Roque ang mga ito nang bigla na lamang na mawalan ng kontrol ang driver ng Nissan.

Naging dahilan naman ito sa pagbangga sa naturang motorsiklo at pag-turn turtle ng naturang sasakyan.

Kaagad namang dinala sa pinakamalapit na hospital ang mga biktima.