Halos wala na raw bumibili ng lambanog sa bayan ng Rizal sa Laguna matapos ngang malason ang daan-daang residente nito, kung saan kabilang ang 12 namatay kamakailan.

Ganito ilarawan ni Rizal Mayor Vener Munoz ang sitwasyon sa kanyang bayan ngayon kung saan may ilan pa ring isinusugod sa mga pagamutan sa Batangas matapos makainom ng local brand na Rey Lambanog.

Nilinaw ng alkalde na ang bilang ngayon ng mga dinadala sa ospital ay mula sa mga residente na tumanggi noong magpa-confine.

Malaking porsyente na rin daw ng mga isinugod noon sa Philippine General Hospital ang nakauwi na, at tanging anim na nalasong pasyente na lang ang nagpapagaling doon.

Habang may isa pang nasa intensive care unit ng Rizal Medical Center sa Pasig City.

Sa ngayon nakausap nang mga otoridad ang abogado ng Rey Lambanog mula San Juan, Batangas, na gumagawa ng naturang produkto na nag-positibo sa mataas na content ng kemikal na methanol.

Hati naman daw ang posisyon ng mga pamilyang naulila dahil may ilang nais na lang magpa-bayad danyos sa kabila ng kagustuhan ng ilan na ituloy ang kaso.

Samantala, pumalo na sa 11 ang bilang ng mga namatay dahil din umano sa pag-inom ng naturang brand sa lalawigan ng Quezon.

Pinaka-huli rito si Ernesto Magbuhos, 46-anyos, na mula sa bayan ng Candelaria.

Idineklara itong patay sa ospital nitong hapon matapos ma-confine noong December 25.

Kaugnay ng kaso, nag-deploy ng karagdang mga tao ang Philippine Red Cross sa PGH bilang dagdag na pasilidad sa mga pasyenteng nalason ng lambanog.

Kung maaalala, naging kalbaryo ng ilang isinugod na pasyente kamakailan ang limitadong mga higaan at silid ng PGH para sa mga biktima ng lambanog poisoning.