(Update) CENTRAL MINDANAO – Umakyat na sa 12 ang nasawi sa pinalawak na focus military operation ng Joint Task Force Central laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang dalawang sundalo na binawian ng buhay na sina Sgt. Irvin Alberastine ng 57th Infantry Battalion Philippine Army at Corporal Albert Serquiña ng 40th Infantry (Magiting) Battalion.

Umaabot naman sa 10 ang nasawi sa BIFF at marami ang nasugatan.

Bago lamang ay naglunsad ng air to ground assault ang Joint Task Force Central sa mga kuta ng BIFF sa bayan ng Shariff Aguak, Datu Hoffer Ampatuan, Datu Salibo, Shariff Saydona Mustapha at Ampatuan, Maguindanao.

Lomobo naman ang bilang ng mga pamilya na lumikas sa mga lugar na target ng operasyon ng militar.

Agad namahagi ng tulong sa mga bakwit ang Bangsamoro government at provincial government ng Maguindanao sa mga lumikas na mga sibilyan.