NAGA CITY- Isa sa dalawang tinamaan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bayan ng Labo, Camarines Norte ay ang isang 10-anyos na batang babae na kinilalang si PH Bicol #71.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Labo Councilor Rey Kenneth Oning, sinabi nitong naka-close contact at pamangkin ito ng namatay na pasyenteng si PH Bicol #61.

Ayon sa konsehal, labis ang pagkabigla ng mga magulang ng naturang pasyente dahil hindi umano nila lubos maisip na nahawaan ito ng nakamamatay na sakit samantalang ang mga nakainuman ni PH Bicol#61 ay nag-negatibo dito.

Kaugnay nito, isa ring albularyo ang bagong kaso ng COVID-19 na kinilala namang si PH Bicol #72.

Sa ngayon, naka-isolate na rin ang mga bagong pasyente habang nagpapatuloy ang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng mga ito.

Samantala, kasalukuyan namang isinailalim sa lockdown ang Brgy. Tulay na Lupa ng naturang bayan na pinagmulan ng mga pasyente habang patuloy naman na iniimbestigahan ang posibleng pinagmulan ng nakamamatay na sakit sa naturang lugar.