Eksakto isang linggo matapos maaksidente sa taping, nasa acceptance stage pa lamang umano ang pamilya ni Eddie Garcia kaugnay sa “very critical” pa rin na kondisyon ng beteranong aktor.

Ayon sa family spokesman at medico-legal na si Dr. Antonio Rebosa, ito’y kasabay ng pagpirma ng pamilya sa do-not-resuscitate (DNR) waiver kahapon na nangangahulugang pagpapanatili pa rin sa life-support ni Manoy pero kapag inatake sa puso ay payag sila na huwag na itong i-revive.

“His blood pressure is fluctuating,” saad ni Rebosa sa Rappler. “For me maybe, since they have already signed that DNR waiver, they’re slowly coming to grips with reality.”

Nabatid na napatid sa cable wire ang 90-year-old veteran actor sa gitna ng taping sa Maynila kung saan napuruhan ang kanyang cervical spine na nauwi sa kanyang pagka-comatose.

Si Eddie ay mayroong partner of 33 years na si Lilibeth Romero, ina ni One Pacman Party-list Rep. Mikee Romero, at sinasabing may anak na nakabase sa California na nagngangalang Lisa Ortega.