TUGUEGARAO CITY – Kapwa nasawi ang isang pulis at isa sa apat na mga holdaper na tumangay sa bag ng isang babae sa Tuguegarao City matapos ang naganap na engkwentro sa Ramon, Isabela.

Nakilala ang napatay na suspek sa pangalang “Cris”, samatalang nahuli ang sugatang kasamahan nito na sina Jayson Saringan, 29, at Edgar De Castro, 32, habang wala pang pagkakakilanlan ang isa na nakatakas.

Binawian naman ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan si S/Sgt. Richard Gumarang.

Ayon kay Major Ruben Verbo, deputy chief of police ng PNP-Tuguegarao, dakong alas-12:00 ng tanghali ng Biyernes, nang tinangay ng dalawang lalaki ang bag na may lamang P10,000 sabay tutok ng baril sa biktimang si Lorena Carag, 45, habang nasa loob ng kanyang sasakyan sa parking area ng St. Peter Metropolitan Cathedral, Tuguegarao City.

Mabilis na tumakas ang dalawang suspek, kasama ang dalawang iba pa lulan ng pulang Toyota Innova patungo sa lalawigan ng Isabela, subalit maagap na rumesponde ang mga kapulisan matapos makatanggap ng tawag sa telepono.

Dito na nakasagupa ang mga holdaper na tumangging sumuko sa inilatag na checkpoint ng PNP-Ramon sa Brgy. Turod, Bugallon.

Sinubukan pang tumakas ng mga suspek patungo sa direksyon ng Brgy. San Miguel at nakipagbarilan sa mga otoridad na nagresulta sa pagkamatay ng isang pulis at isang suspek.

Huli rin ang dalawa habang patuloy na tinutugis ang isa pa.

Narekober sa grupo ang sasakyan na Innova at isang M16 A1 rifle.