NAGA CITY – Isa ang patay habang nasa walo ang sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa Andaya Highway, Brgy. Sinuknipan, Del Gallego, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpt. Eumorpho Batlangcao, acting chief of police ng Del Gallego PNP, sinasabing habang tino-tow ng isang decker tractor na minamaneho ni Aries Bania ang isa pang tractor na gamit naman ni Vergil Suarez, biglang nag-overtake ang Silver Star Bus na minamaneho naman ni Dante Alinso.

Nahagip ng naturang bus ang gilid na bahagi ng decker tractor.

Sumalpok ang nasabing bus sa kasalubong na DLTB bus na minamaneho naman ng nagngangalang Rodrigo Verdad.

Dahil dito, idineklara namang nasawi ang drayber ng silver star bus habang humigit kumulang sa walo katao naman ang sugatan na agad ding itinakbo sa ospital.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.