tricycle roxas city

ROXAS CITY – Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital ang isang tricycle driver matapos na bumaligtad ang minamaneho nitong tricycle sa Arnaldo Blvd., Barangay Baybay, Roxas City.

Kinilala ang biktima na si Carlito Capay, residente ng Barangay Mianay, Ivisan, Capiz.

Nabatid na patungo sana sa Barangay Baybay ang biktima sakay sa kaniyang tricycle kasama ang apat na iba pang pasahero nang aksidente nitong nasagi ang naka-park na tricycle sa gilid ng kalsada.

Dahil dito ay nawalan ng kontrol sa manibela ang biktima kung kaya’t bumaligtad ang minamaneho nitong tricycle.

Nagtamo ng patal na sugat sa ulo at iba pang parte ng katawan ang biktima na nagresulta sa kaniyang pagkamatay.

-- Advertisement --

Sugatan din ang apat na mga pasahero na sakay ng biktima na sina Bambee Curatcho, Hannah Mae Curatcho, Amor Curatcho at Weeklyn Curatcho kung saan ang iba sa mga ito ay nabalian pa ng buto.

Kaagad namang nilapatan ng kaukulang lunas ang iba pang nasugatan na mga pasahero.