Reading Time: 1 minute

NAGA CITY – Patay ang isang katao habang sugatan naman ang dalawang iba pa sa karambola ng tatlong sasakyan sa Brgy. Buluang, Baao, Camarines Sur.

Kinilala ang namatay na si Bernard Sinfuego, 29, habang sugatan naman sina Jomar Triumfante Jr, 23, at Nilda Buenventura, 77.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga, nabatid na habang binabaybay ng motorsiklong minamaneho ni Sinfuego habang sakay nito si Triumfante ang naturang lugar nang biglang mahagip ng Nissan Terra na minamaneho naman ni Angeles Tresvalles Jr. 36.

Kaugnay nito tumilapon sa kalsada si Sinfuego at Triumfante na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Samantala, dahil sa lakas ng impact nadamay pa ang isang Nissan Navarra Pick-up na minamaneho naman ni Estilito Namoro Jr, 33, habang nagtamo rin ng sugat sa katawan ang pasahero nitong si Nilda Buenventura.

Kaugnay nto, agad na isinugod sa ospital ang mga biktima ngunit hindi na umabot pang buhay si Sinfuego.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing pangyayari.