BAGUIO CITY – Isa na ang patay sa bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Aguid, Sagada, Mountain Province.

Ayon kay Major Carolina Lacuata, tagapagsalita ng Police Regional Office-Cordillera, nagsimula ang encounter alas-11:40 ng umaga, Huwebes.

Sinabi niya na nagresulta ito sa pagkamatay ng isang tropa ng pamahalaan at pagkasugat ng isa pang kinatawan ng batas.

Gayunpaman, sinabi ni Lacuata na hindi pa maisasapubliko ang pangalan ng namatay at nasugatan na kasapi ng tropa ng pamahalaan dahil hindi pa nailalabas ang mga ito sa battle area.

Ipinaliwanag ni Lacuata na nangyari ang encounter habang nagsasagawa ang mga tropa ng pamahalaan ng Oplan Kapanatagan para sa pagsugpo sa mga komunistang rebelde sa mga kabundukan.