LEGAZPI CITY- Nauwi sa palitan ng putok ang dapat sanang pagsisilbi lamang ng warrant of arrest sa dalawang kasapi ng Conception Ciminal Gang sa Barangay Bariw, Libon, Albay.
Ayon kay Police Executive Master Sgt. Maribeth Corporal, tagapagsalita ng Libon PNP sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinubukang makipag negosasyon ng mga kapulisan sa mga suspek na sina Dennis Secopito Pesebre at Jonathan Sanchez Rejale subalit imbes na humarap sa mga otoridad ay nanlaban umano ang mga ito.
Nabatid na si Pesebre ay pangatlo sa municipal most wanted sa naturang bayan dahil sa kasong murder.
Dahil sinubukan aniya nitong mamlaban at tumakas sa mga otoridad ay napilitan ang kapulisan na paputukan ito na nagresulta sa agaran niyang kamatayan.
Sa kabilang banda, nakatakas naman ang kasamahan nito na si Rejale na patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad.
Naaresto rin ang ina ni Pesebre na si Amelia Sayritan Pesebre at live in partner ni Rejale na si Gelmie Sayritan Pasebre.
Narekober sa pangangalagan ni Dennis Pesebre ang isang M16 rifle na may isang magazine at pitong cartridges.
Nadiskubre rin sa loob ng tahanan nina Amelia at Gelmie ang dalawang duwang rifle grenades na nai-turn over na sa Libon PNP para sa kaukulang disposisyon.
Mayroon ring iba’t ibang klase ng bala at pampasabog na nadiskubre sa lugar na nasa pangangalaga na ngayon ng mga otoridad.
Samantala, nananatiling naka alerto ngayon ang kapulisan dahil sa pangamba na posibleng gumanti ang grupo ng nakatakas na suspek.