KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang hot pursuit operation ng mga otoridad laban sa mga pinaniniwalaang ISIS-inspired rebel group sa bayan ng Tupi, South Cotabato.

Ito ay matapos ang nangyaring pamamaril sa Purok 1, Brgy. Palian, Tupi kung saan target ng mga armadong kalalakihan ang isang loan collector na si Renato Emban Bansalan na residente ng Compostela Valley na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Tinangay ng mga suspek ang bag ni Bansalan na may lamang malaking halaga ng pera.

Dagdag pa nito na pinagbabaril din ng mga suspek ang mag-amang sina alyas Jimmy at alyas Nika na nakakita sa nangyaring krimen ngunit maswerteng nakaligtas ang mga ito.

Sa ngayon kritikal pa rin ang loan collector na si Bansalan ngunit ipinasisiguro naman ni SoCot police provincial director Col. Joel Limson na may persons of interest na sa nasabing krimen.