-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang isang back rider habang sugatan naman ang isang driver matapos na makabangga sa gutter ng kalsada ang sinasakyan nitong motorsiklo sa Sitio Talidong, Brgy Impig, Sipocot, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Mark Desuyo, residente ng North Aurora sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na nawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo ni Rudjin Buena, 28-anyos habang angkas nito si Desuyo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nag-overtake si Buena sa isang van na minamaneho naman ni Allan Valdez, 53-anyos dahilan upang tuluyan itong mawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo at makabangga sa gutter ng kalsada.

Agad naman na dinala sa ospital ang mga biktima para sa asistenisya medikal ngunit idineklara ring dead on arrival si Desuyo.

-- Advertisement --

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.