'High profile inmates' ilipat na, ASAP'

KORONADAL CITY - Hiniling na rin ni jail warden at Insp. Nimrod Valena ang paglilipat sa 16 na mga "high profile" o "high risk" na mga bilanggo na nasa Kidapawan City Jail.

Bago ito umapela rin si Cotabato Gov. Emmylou “Lala” Talinio Mendoza kay Pangulong Benigno Aquino lll na aksyunan ang matagal na nilang kahilingan sa DILG na ilipat sa Davao Penal Colony o kaya sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa ang mga nabanggit na high risk detainees.

Nanawagan si Valena sa mga opisyal ng lungsod sa ginawang pulong ng City Peace and Order Council (CPOC) na agarang ilipat na ang mga ito matapos maganap ang tangkang pagpatakas ng mga kasamahan kay Datukan Samad Lontoc alyas Lastikman.

Ani Valena, noong nakaraang taon pa nila hiniling ang paglipat sa naturang mga bilanggo kabilang na si Lastikman subalit hanggang ngayon ay wala pang tugon ang Korte Suprema.

Dapat aniyang ilipat ang nasabing mga bilanggo sa Bicutan Jail sa Taguig, Metro Manila upang maiwasan na tuluyang maitakas pa ang mga ito.

Napag-alaman na tatlo ang patay, habang 16 ang sugatan sa nangyaring pag-atake ng mga kasamahan ni Lastikman sa Kidapawan City Jail nitong nakaraang araw.

Nabanggit na rin ni 6th Infantry Division public affairs chief Col. Prudencio Asto na mga break-away group ng MILF ang umatake sa bilangguan.

Ngunit agad itong natunugan ng mga jail guards na nakipagbarilan sa mga rebelde gayundin ang maagap na pagresponde ng mga pulis at sundalo.

Makikitang wasak ang steel gate ng city jail nang tamaan ito ng dalawang bala mula sa rocket propelled grenade (RPG).

Habang nakikipagbarilan ang mga rebelde sa mga otoridad nagpasabog ang ito ng improvised explosive device (IED) na gawa sa bala ng 81mm mortar sa harapan ng tanggapan ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Dahil sa pangyayari, tiniyak ni 6th ID chief M/Gen. Rey Ardo na nagpadala na sila ng karagdagang pwersa ng militar na tutulong sa pagtugis sa grupo na tumakas patungong Mount Apo.


More News:

Alternative flash content

You need to upgrade your Flash Player

Get Adobe Flash player

Banner
Site Meter