Ebidensya sa bank records, ibasura - defense

Ipinababasura ng defense panel ang dokumento may kaugnayan sa bank records na ginamit ng prosekusyon bilang mga ebidensya laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Sa 15-pahinang petisyon na inihain kaninang umaga sa impeachment court na pinangunahan ni defense lawyer Atty. Jose Roy III, binigyan diin nito na nararapat lamang ibasura ang lahat na mga subpoena ad testificandum at subpoena duces ticum kaugnay sa bank accounts ni Corona sa PSBank.

Samantala, inaasahan din ng panig ng depensa na ikokonsidera ng impeachment court ang kanilang paliwanag kaugnay sa naunang isiniwalat sa isang press conference hinggil sa umano'y P100 million na alok ng Malacañang sa bawat senator-judges na kokontra sa temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema sa dollar accounts ng punong mahistrado.

Napag-alaman na nitong nakalipas Biyernes nagsumite ng kanilang paliwanag ang depensa upang hindi ma-contempt sa kanilang ibinunyag sa media.

Iginiit ng depensa na naniniwala sila sa integridad ng mga senator-judge at hindi nila umano intensiyon na sirain ang kredibilidad ng mga ito at ibinase lamang ang kanilang nakuhang impormasyon mula sa kanilang pinagkakatiwalaang source.

Samantala sa halip na gawin sa darating na Miyerkules, balak ng House prosecution panel na ngayong araw na nila isalang bilang testigo si Justice Sec. Leila de Lima.

Sa pormal na hiling ng prosekusyon sa Senate impeachment court, ibig umano nilang mapabilis ang pag-usad ng paglilitis kay Corona kaya lilipat na sila sa Article 3 at 7.

Ang ikatlong artikulo ay tumatalakay sa umano’y pagbaligtad ng Korte Suprema sa hatol sa kaso ng FASAP kahit may final ruling na, pagtanggap ng puwesto ni Christina Corona sa isang korporasyon ng gobyerno kahit mahistrado na ang mister nito at maging ang pakikipag-usap sa litigant ng kaso na may pending issue pa sa hukuman.

Ang Article 7 naman ay ang pagharang ng Korte Suprema sa watchlist order ng Department of Justice (DoJ) para kina dating Pangulong Gloria Arroyo at dating First Gentleman Mike Arroyo.


More News:

Alternative flash content

You need to upgrade your Flash Player

Get Adobe Flash player

Banner
Site Meter