'May araw na sablay ang performance'

Matapos masingil ng mga senador ang House prosecution panel sa pabago-bagong datos sa isyu ng ari-arian ni Chief Justice Renato Corona, hindi nakapagpigil ang ilang mamamahayag na singilin din ang mga miyembro ng lupon.

Sa isinagawang pulong balitaan sa break time ng impeachment trial, binalikan ng ilang mamamahayag ang mga tagapagsalita ng prosekusyon na ilang ulit nagbigay ng pahayag ukol sa 45 properties umano ng punong mahistrado na ngayon ay itinatanggi na ng mga kongresista na kanilang inilahad sa media.

Ayon kay prosecution spokesman at Marikina Rep. Miro Quimbo, kung nailabas man nila ang impormasyon ukol sa 45 Corona properties ay dahil ito umano ang kanilang nakuhang datos sa Land Registration Authority (LRA).

Hindi aniya dapat maligaw ang publiko, dahil kung hindi man mapatunayan ang 45 properties ay kasalanan pa rin ni Corona ang hindi pagsisiwalat ng tamang detalye ng kaniyang mga ari-arian sa statements of assets, liabilities and net worth (SALN).

"I think hindi dapat tayo maligaw na parang sinasabi 45 properties, 21 properties. So ibig bang sabihin having 21 properties that have been acquired beyond your means is not a sin but 45 is? Is it not a violation of your oath if you were able to acquire a property which should have been for P24 million but you only acquired for P14.5 million? Is it not a violation of your oath when you, despite having owned a property, three condominiums as early as ’04, ’05 and ’09, you do not declare them under oath? Now let’s not get lost, I mean it only takes one major infraction as far as being liable for perjury is concerned to establish a case of betrayal of public trust which I think some of my colleagues also want to discuss," wika ni Quimbo.

Sa huli ay umapela ang mga opisyal ng prosekusyon na huwag naman silang husgahan hinggil lamang sa bagay na ito, dahil may mga araw naman talaga anila na hindi sila nagkakaroon ng matagumpay na performance sa trial.

Una rito, nailahad ng prosekusyon ang panibago nilang testigo para sa umano’y hindi tapat na pagsasapubliko ng SALN ng punong mahistrado sa katauhan ni Gregg Gregonia, ang vice president ng Burgundy Realty Corp. kung saan pinatunayan nito sa korte ang kuwestyunableng condominium unit ni Corona na binili sa Burgundy Plaza sa halagang P3.5 million.
 
Pero bago nito ay muling nakatikim ng sermon ang prosekusyon lalo na si Rep. Elpidio Barzaga matapos mapansin ni Sen. Joker Arroyo ang pagprisenta ng tagausig ng mga ebidensya na hindi naman impeachable offense na sinuportahan naman ni Senate President Juan Ponce Enrile
 
Naging kapansin pansin ang tila napahiyang prosekusyon nang inungkat ni Sen. Chiz Escudero ang akusasyon ng prosekusyon sa 45 bilang ng mga ari-arian ni Corona.
 
Pero nang tanungin ni Escudero si lead prosecutor at Iloilo Rep. Niel Tupas Jr. ay inamin nitong nasa 24 lamang ang naungkat nilang ari-arian pero depensa ng kongresista, hindi sila ang naglabas nito sa media sa halip ay batay sa record ng LRA.
 
Dahil dito hindi napigilan ni Sen. Jinggoy Estrada na gisahin ang prosekusyon partikular si Tupas lalo’t sila mismo ang nagpatawag sa media ng isang press conference para ipangalandakan ang natuklasang ebidensya.
 
Kasunod nito, pinasusumite ni Sen. Gringo Honasan ng pag-uulat ang impeachment court spokesperson upang pagpaliwanagin kung ano ang napag-usapan nila kasama ang prosekusyon at depensa kaugnay ng unang kautusan ng korte na dapat may koordinasyon sa hukuman ang magkabilang panig bago magsalita sa publiko.
 
Ayon kay Honasan, tila mabilis pa ang paglilitis sa labas ng korte kaysa impeachment court dahil sa patuloy na pagsalita ng magkabilang panig.
 
Sa kabilang banda, pinasusumite rin ng impeachment court ng legal memorandum ang magkabilang panig kaugnay ng proseso kung paano ang tamang pagsumite ng SALN ng isang government official.


More News:

Alternative flash content

You need to upgrade your Flash Player

Get Adobe Flash player

Banner
Site Meter