Prosec, nagbago sa bilang ng properties ni CJ

House lead prosecutor Niel Tupas Jr.House lead prosecutor Niel Tupas Jr.(Update) Lumabas na rin sa bibig mismo ni House lead prosecutor Rep. Neil Tupas Jr. ang pag-amin na hindi talaga umabot sa 45 ang kinuwestyon nilang umano'y ari-arian ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial, inungkat ni Senator-Judge Francis Escudero ang naunang pahayag ng prosecution panel na umaabot ng 45 ang mga kuwestyonableng ari-arian ng punong mahistrado.

Pero batay sa mga isinumiteng dokumento, umaabot lamang sa 24 ang properties, kasama na ang mga parking lots.

Noong una ay mistulang nalito si Tupas at sinabi na 21 pa lamang ang kanilang ebidensiya at sa huli ay nilinaw na 24 lamang.

Bilang pagdepensa, sinabi ni Tupas na hindi umano sila ang nagbunyag sa publiko ng nasabing mga ari-arian kundi ang media, base sa dokumento mula sa Land Registration Authority (LRA).

Itinanggi rin ni Tupas na sila ang naghayag sa media ng nasabing mga dokumento.

Maalala na ipinagmalaki pa noon ni Tupas ang sulat mula sa LRA na nagdideklara ng umano'y mga ari-arian ng pamilya Corona.

Karamihan sa mga ito ay nasa lungsod ng Quezon na umabot sa 23 habang 12 naman sa Taguig, walo sa Marikina, isa sa Makati City, habang isa sa Parañaque-Pasay City.

Sinabi pa ng prosekusyon na kabilang lamang ito sa kanilang mga natuklasang ebidensya para kwestyunin ang kayamanan ng pamilya Corona at maaring gamitin na ebidensya sa paglilitis laban sa punong mahistrado sa impeachment court.

Ayon kay prosecution spokesman Rep. Miro Quimbo, ang naturang mga real estate properties ay hindi nakalagay sa hawak nilang SALN ni Corona.

Sa 24 umano na properties halos 18 rito ay hindi nailagay sa SALN o kung nailagay man ay under value.

Kaugnay nito, muling pinayuhan ni Senator-Judge Joker Arroyo ang prosecution panel na linawin ang kanilang mga akusasyon kung ito ay maituturing na "impeachable offense" laban sa chief justice.

Matapos na makasilip ng puntos ang depensa sa nangyaring debatehan, agad na tumayo si Atty. Serafin Cuevas at iginiit sa open court na bagamat nasa Day 11 na ngayon ang impeachment trial ay wala pa ring inio-offer na ebidensiya ang prosekusyon.

Para naman kay Rep. Quimbo, hindi aniya dapat maligaw ang publiko, dahil kung hindi man mapatunayan ang 45 properties ay kasalanan pa rin ni Corona ang hindi pagsisiwalat ng tamang detalye ng kaniyang mga ari-arian sa SALN.

"I think hindi dapat tayo maligaw na parang sinasabi 45 properties, 21 properties. So ibig bang sabihin having 21 properties that have been acquired beyond your means is not a sin but 45 is? Is it not a violation of your oath if you were able to acquire a property which should have been for P24 million but you only acquired for P14.5 million? Is it not a violation of your oath when you, despite having owned a property, three condominiums as early as ’04, ’05 and ’09, you do not declare them under oath?," wika ni Quimbo.

Una rito, nailahad ng prosekusyon ang panibago nilang testigo para sa umano’y hindi tapat na pagsasapubliko ng SALN ng punong mahistrado sa katauhan ni Gregg Gregonia, ang vice president ng Burgundy Realty Corp. kung saan pinatunayan nito sa korte ang kuwestyunableng condominium unit ni Corona na binili sa Burgundy Plaza sa halagang P3.5 million.
 
Pero bago nito ay muling nakatikim ng sermon ang prosekusyon lalo na si Rep. Elpidio Barzaga matapos mapansin ni Sen. Joker Arroyo ang pagprisenta ng tagausig ng mga ebidensya na hindi naman impeachable offense na sinuportahan naman ni Senate President Juan Ponce Enrile
 
Naging kapansin pansin ang tila napahiyang prosekusyon nang inungkat ni Escudero ang akusasyon ng prosekusyon sa 45 bilang ng mga ari-arian ni Corona.
 
Pero nang tanungin ni Escudero si Tupas ay inamin nitong nasa 24 lamang ang naungkat nilang ari-arian pero depensa ng kongresista, hindi sila ang naglabas nito sa media sa halip ay batay sa record ng LRA.
 
Dahil dito hindi napigilan ni Sen. Jinggoy Estrada na gisahin ang prosekusyon partikular si Tupas lalo’t sila mismo ang nagpatawag sa media ng isang press conference para ipangalandakan ang natuklasang ebidensya.
 
Kasunod nito, pinasusumite ni Sen. Gringo Honasan ng pag-uulat ang impeachment court spokesperson upang pagpaliwanagin kung ano ang napag-usapan nila kasama ang prosekusyon at depensa kaugnay ng unang kautusan ng korte na dapat may koordinasyon sa hukuman ang magkabilang panig bago magsalita sa publiko.
 
Ayon kay Honasan, tila mabilis pa ang paglilitis sa labas ng korte kaysa impeachment court dahil sa patuloy na pagsalita ng magkabilang panig.
 
Sa kabilang banda, pinasusumite rin ng impeachment court ng legal memorandum ang magkabilang panig kaugnay ng proseso kung paano ang tamang pagsumite ng SALN ng isang government official.

 


More News:

Alternative flash content

You need to upgrade your Flash Player

Get Adobe Flash player

Banner
Site Meter