15 patay, kasama ang top ASG, JI leaders

ZAMBOANGA CITY – Kinumpirma ngayon ni AFP chief of staff Lt. Gen. Jessie Dellosa na ang pagkamatay ng 15 miyembro ng Jemaah Islamiyah (JI) at Abu Sayyaf group (ASG) members sa inilunsad na airstrike ng military kaninang madaling araw sa may Barangay Duyan Kabau, Parang, Sulu.

Kinilala ni Wesmincom chief M/Gen Noel Coballes ang tatlo sa lider ng mga terorista kaninang alas-3:00 ng madaling araw na sina JI Zulkipli bin Abdul Hir alias Marwan/Brahim; Muhamda Ali alias Muawiyah/Anjala at Abu Sayyaf leader Gumbahali Jumdail alias Dr. Abu.

Unang nagtakda ang gobyerno ng Amerika ng US$5 million na reward sa ulo ni Dr. Abu.

Kung sa halaga sa piso ito ay katumbas ng mahigit sa P200 million.

Batay sa mga military reports, sina Marwan at Mauwiya ay responsable sa mga serye ng karahasan sa probinsiya gaya ng kidnapping at pambobomba.

Si Marwan, 46, ay US trained Malaysian engineer na matagal na ring wanted maging sa Amerika dahil sa pagkakasangkot sa terror attacks.

Noong 2007 ipinagsakdal si Marwan at kapatid nito sa korte sa Amerika dahil sa pagbibigay tulong sa mga terorista.

Ang Amerika ay may  US $5 million reward sa sinuman para sa ikahuhuli kay Marwan.

Sa Pilipinas may patong naman ito sa ulo na umaabot sa P7.4 million.

Itinuturing ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si Marwan na miyembro ng JI Central Command at kabilang sa most wanted terrorists sa buong mundo.

Si Muawiya na $50,000 reward sa kanyang ikakaaresto ay nagsilbing translator sa mga dinukot na miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) noong 2009 sa Sulu.

Personal na nagtungo kaninang umaga sa Western Mindanao Command si  Dellosa para personal na i-assess ang matagumpay na operasyon na inilunsad ng mga sundalo.

Ayon pa kay Coballes gusto nilang i-assure ang mga sibilyan sa Sulu na ang kanilang inilunsad na operasyon ay nakatutok sa mga kilalang JI at Abu Sayyaf terrorist na patuloy na pinapalaganap ang kanilang presensya sa Mindanao.

Dagdag pa ni Coballes, si Marwan ang kinokonsiderang isa sa mga top JI leaders sa Southeast Asia pagkatapos maaresto si Umar Patek sa bansang Pakistan.

Ang operasyon ay bunsod ng matagumpay na intelligence report.

Iginiit din ng heneral na maraming mga tao ang tumutulong sa military at very reliable umano ang mga ito kung kaya't masasabing na neutralized nila ang mga matataas na lider ng teroristang grupo.
 
“We received reports that there were thirty (30) terrorists, including six (6) foreign JI members, who arrived in Sulu on December last year. Our basis is our intelligence on the ground our local assets,” ani Coballes.

Dahil sa naturang report, kaagad na pinlano ng Wesmincom ang operasyon at pinalanganan itong Oplan Nemesis.

Samantala personal namang tinungo nina Sulu Gov. Sakur Tan at Parang Mayor Loong kasama ang ilang mga local officials para tingnan at asikasuhin ang mga kaukulang tulong na ipamahagi sa mga sibilyan na apektado sa inilunsad na law enforcement operation. (AMS)


More News:

Alternative flash content

You need to upgrade your Flash Player

Get Adobe Flash player

Banner
Site Meter