You are here: HomeRegional NewsOther Dialect

KALIBO, AKLAN ---Dakop ro daywang foreign nationals matapos nga madakpan sa akto nga nakikipag-hieawas sa kada isaea sa binit it baybayon sa isla it Boracay.

Ginasugid nga sangka immigration officer nga nakilaea kay Aldwin Pascua Mauricio, 32-anyos, tumandok it Catanduanes apang, presenti nga naga-istar sa sangka hotel sa Station 2, it Brgy. Balabag, Boracay ro nakakita sa daywa.

Nakit-an sigon it nasambitan nga immigration officer ro daywa nga parehong hub-eas samtang nakasabak ro babayeng Italian national sa eaeaking British.

Gin paeapitan kara ro daywang foreigner ag ginhambaean nga punduhon ro andang gina-ubra apang, ginsupae pa imaw ku daywa.

Bangud kara, ginpakamayad ni Mauricio nga magtawag sa mga katapo it kapulisan ag ginreklamo ro daywa.

Matapos nga gin kostudiya it Boracay Tourist Assistance Center, natigayon man nga mapahilway ro daywang mag-partner.

 

KALIBO, AKLAN --- Magkahalong takot, saya at pagkamang­ha ang naging reaksyon ng asawa at mga anak ng isang 90-anyos na lolo na sinasabing halos tatlong oras na namatay, subalit muling nabuhay sa lalawigan ng Aklan.

Ayon sa 83-anyos na misis ng lolo na tumangging magpasambit ng pangalan, nagising na lamang siya dakong alas-11:00 ng gabi na hindi na gumagalaw at malamig na parang bangkay ang kanyang mister na katabi niya sa pagtulog.

Dahil dito, pinatawag umano niya ang kanyang mga anak dahil sa kalagayan ng kanilang ama.

Ilang ulit umano nilang sinubukang gisingin ang matanda, ngunit hindi na ito gumagalaw at nangingitim na.

Nagdesisyon na lamang ang buong mag-anak na magdasal kay Sr. Sto Niño de Kalibo dahil sa matinding debosyon ng matanda dito.

Habang dinadasalan at iniiyakan ang kanilang padre de pamilya na inakalang patay na ay nagulat na lamang sila ng biglang itinaas nito ang kanyang mga kamay at pilit na inaabot ang imahe ni Sr. Sto. Niño de Kalibo.

Bigla umanong dumilat ang mga mata ng matanda at agad na bumangon na parang walang nangyari at nag-kwento ng namasyal umano ito sa parang malayong lugar.

Dahil sa pagkagulat, sinabi ng kanyang misis na hindi agad nakapagsalita ang buong pamilya, pero nasiyahan din ang lahat nang masigurong buhay ang kanilang iniiyakan na ama.

Napag-alaman na labas-pasok na sa ospital ang matanda dulot ng iba't-ibang karamdaman dala ng katandaan.

Palaisipan pa rin hanggang sa ngayon ang nangyaring insidente, pero naniniwala sila na ito ay kagagawan ni Sr. Sto. Niño.

KALIBO, AKLAN --- Isinauli ng mahigit sa 100 lider at miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Aklan ang anim na kilo ng bigas na kanilang natanggap mula sa Department of Social Welfare and Development Office (DSWD) region 6 na ipinamahagi sa mga residenteng apektado ng bagyong Yolanda sa Aklan.

Sa interview ng Bombo Radyo Kalibo, sinabi ni Mr. George Calaor, provincial chairperson ng Bayan at Mr. Kim Sin Tugna ng Kadamay na nangangamoy na ang bigas at may insekto pa na tinatawag na supit.

Ang 1,500 na rice packs ng National Food Authority ay ipinamahagi ng DSWD-Aklan sa mga biktima ng Yolanda sa mga lubus na naapektuhang bayan ng New Washington at Kalibo noong Nobyembre 26 hanggang 29.

Ayon kay Tugna ilan umano sa mga nakakain ng bulok na bigas ay nagsuka, nahilo at sumakit ang tiyan at nagtae.

Dismayado naman ni Calaor dahil ilan umano sa mga nakatanggap ng bigas ay pilit pa rin na niluto ang bigas dahil sa nararanasang gutom at hirap sa buhay, subalit nagkaroon ng karamdaman.

Pagkain umano ang kailangan sa kanilang inilunsad na kampanya kontra gutom at hindi lason.

Sa isinagawang dayalogo, sinabi ni Calaor na aminado umano si Mrs. Evangeline Gallega ng DSWD-Aklan sa kanilang kasalanan dahil hindi nila natingnang mabuti ang kalidad ng bigas.

Naipaalam na umano nila ang problema sa regional office at ipinahinto na ang pamamahagi ng natitirang bigas.

KALIBO, AKLAN --- Iniimbestigahan ngayon ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang sunod-sunod na insidente ng pagnanakaw sa tatlong bakasyunistang dayuhan sa isla ng Boracay.

Nagsumbong sa pulisya ang biktimang si Hyun Jae Cho, 37, taga-South Korea at ang magkapatid na sina Anna Aleksandrova, 17 at Svetlana Aleksandrova, 29, ng Russia, pawang mga nagbabakasyon lamang sa isla.

Base sa report ng BTAC, nabiktima ng akyat-bahay ang Koreano habang natutulog sa loob ng kanyang inuupahang hotel room sa Brgy. Balabag.

Ayon sa kanya, nagising na lamang siya na wala na ang kanyang laptop, mamahaling cellphone at wallet na naglalaman ng ilang libong piso.

Samantala, habang pumipili ng mabibiling swimsuit sa isang boutique ang magkapatid na Russian ay ninakaw ng dalawang hindi kilalang lalaki ang kanilang bag na ipinatong sa upuan.

Naglalaman umano ang bag ng pera na nagkakahalaga ng 250 US dollars at P11,500.

Sa ngayon ay tinutukoy na ng kapulisan ang pagkakakilanlan ng mga suspek na nahuli sa CCTV habang isinasagawa ang pagnanakaw.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa panibagong insidente ng nakawan sa Boracay.

KALIBO, AKLAN --- Binaril at patuloy na ginagamot sa isang pribadong ospital ang isang Korean na manager ng spa clinic ng dalawang hindi kilalang lalaki habang naglalakad pauwi sa tinutuluyang apartment sa Brgy. Balabag sa isla ng Boracay.

Agad na isinugod sa ospital sa bayan ng Kalibo ang biktimang si Jin Woo Lee, 39, taga-Korea at manager ng isang spa clinic sa isla matapos na tamaan ng bala sa kaliwang kili-kili.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), naglalakad umano ang Koreano pauwi galing sa isang restaurant, ngunit pagdating sa madilim na bahagi ng kalsada ay sinundan ito at pinaputukan ng dalawang hindi kilalang armadong lalaki.

Kaagad na nagsitakas ang dalawang lalaki matapos ang insidente.

Tumanggi pang magbigay ng dagdag na detalye ang mismong hepe ng Boracay PNP na si Inspector Fidel Gentallan sa ginagawang imbestigasyon ng mga kapulisan sa pangyayari partikular ang pagtukoy sa motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek.

KALIBO, AKLAN --- Kinarate ng lasing na turistang Chinese ang mga naka-duty na pulis sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Nagwala umano ang Chinese at pinagsisipa ang kanilang mga mesa at upuan sa loob ng kanilang himpilan habang inaayos ang kanyang kaso.

Napag-alaman na dinala sa police station ang naturang Tsino na tinatayang nasa 26 hanggang 28 anyos ang edad dahil sa pambabastos sa dalawang babae sa loob ng isang bar sa Brgy. Balabag dahil sa sobrang kalasingan.

Habang iniimbestigahan umano ng mga otoridad, muling nagwala ang turista at sinigawan ang mga pulis gamit ang Chinese language.

Sinipa rin nito ang mesa ng desk officer na mag-e-encode sana sa blotter na nagtatanong ng kanyang pangalan.

Dahil sa hindi mapigilang pagwawala ay nadulas umano ang Tsino sa sahig at tumama ang kanyang baba sa kanto ng mesa dahilan na nasugatan ito.

Matapos na ipagamot sa Boracay District Hospital ang kanyang sugat ay ibinalik ito sa himpilan ng BTAC at hinihintay pa ang kanyang interpreter para sa karagdagang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring insidente.

KALIBO, AKLAN --- Hawak na ng mga otoridad ang suspek sa nangyaring pamamaril sa labas ng isang peryahan sa Poblacion, Libacao, Aklan sa kalagitnaan ng selebrasyon ng kanilang kapiestahan.

Kinumpirma sa Bombo Radyo Kalibo ni Inspector Leomindo Tayopon, hepe ng Tapaz Police station sa lalawigan ng Capiz na sumuko na si Kagawad Jonathan Felix, 20, ng Hilwan, Tapaz, Capiz.

Nakipag-ugnayan umano ang suspek sa kanilang barangay captain na si Anilyn Carlos para sa kanyang pagsuko.

Sinabi ni Inspector Tayopon na bandang alas-11:00 kagabi ay sinundo nila sa Brgy. Libas, Banga, Aklan ang suspek sa kanyang pinagtaguan matapos ang nangyaring krimen noong Lunes ng gabi at dinala sa Capiz Police Provincial Office.

Hiniling umano ng kampo ng suspek na sa Tapaz police ito susuko sa halip na sa Libacao PNP station.

Napag-alaman na ipinag-utos kahapon ni Senior Supt. Iver Appelido, acting Aklan police provincial director ang pagbuo ng task force para sa pagtugis sa suspek.

Samantala, sinabi umano ni Kagawad Felix na nag-duelo sila ng biktimang si Jay-Ar Agudez, 21, ng Brgy. Manica, Libacao sa labas ng peryahan gamit ang kani-kanilang 12-gauge shotgun at nadamay lamang ang mga sibilyan.

Nag-ugat ang "ubusan ng lahi" sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Libacao at katabing bayan sa Tapaz, Capiz dahil sa ninakaw na kalabaw ng pamilya Agudez kung saan pinaghihinalaang ang may kagagawan nito ay ang pamilya Felix.

KALIBO, AKLAN --- Kinasuhan ng acts of lasciviousness ang Amerikanong turista matapos na panggigilan at himasin ang dibdib at puwit ng isang limang buwang buntis na masahista sa isla ng Boracay.

Ang suspek ay kinilalang si Jay Stoelthing, 55, taga-Amerika at nagbabakasyon lamang sa isla.

Sa reklamo ng 22-anyos na biktimang hindi pinangalanan sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), pumasok umano ang turista sa loob ng pinagtatrabahuhang spa clinic sa Brgy. Balabag at nagpa-whole body massage.

Ayon sa biktima nang inutusan na niya ang Amerikano na tumihiya ay sinabihan umano siya nito na imasahe pati ang kanyang ari.

Nang tumanggi ang biktima ay dinakma umano ng suspek ang kanyang kaliwang dibdib at hinawakan pa ang kanyang ari at habang palabas ng kwarto ay hinimas rin nito ang kanyang puwit.

Kaagad na dumulog sa BTAC ang biktima dahilan na naaresto ang dayuhan.

Sinubukan pang makipag-areglo ng Amerikano, ngunit hindi pumayag ang mister ng biktima at tuluyang kinasuhan ang suspek.

Sa ngayon ang Amerikano ay nakakulong sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-Aklan.

KALIBO, AKLAN --- Dalawang menor-de-edad ang kaagad na namatay habang anim na iba pa ang sugatan sa nangyaring pamamaril dahil umano sa dating alitan sa labas ng peryahan sa Poblacion, Libacao, Aklan.

Ayon kay SPO1 Subiaga ng Libacao PNP station, kinilala ang mga namatay na sina Antolina Ricablanca, 16, residente ng Brgy. Ortega, Libacao at Sarah Kaye Viray Katimpo, 14, ng Brgy. Dalagsaan, Libacao na kapwa nagtamo ng tama ng bala sa ulo.

Nakilala naman ang mga sugatan na sina Ariel Idala, 17; Gilda Nalangan, 37; Jay-Ar Agudez, 21; KC Sapatos, 14; John Patrick Salazar,15; at Clerey Javier,18 pawang mga residente ng naturang bayan at kasalukuyang ginagamot sa Aklan Provincial Hospital.

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na nangyari ang insidente habang masayang naglalaro sa peryahan ang mga biktima sa gitna ng selebrasyon ng kapiestahan sa naturang bayan.

Bago ito, nagkaroon umano ng komprontasyon sina Agudis at ang suspek na si Barangay Kagawad Jonathan Felix ng Brgy. Hilwan, Tapaz, Capiz kaugnay sa kanilang dating alitan sa nagaganap na ubusan ng lahi sa pagitan ng dalawang pamilya dahil sa ninakaw na kalabaw.

Bigla umanong pinaputukan ng suspek si Agudez na agaw-buhay ngayon sa intensice care unit (ICU) gamit ang 12-gauge shotgun.

Makailang ulit umanong nagpaputok ng baril ang suspek dahilan na nadamay ang iba pa sa loob ng peryahan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente.

KALIBO, AKLAN --- Kaagad na namatay ang isang 68-anyos na lola matapos na dalawang beses masagasaan ng magkasunod na 6-wheeler truck habang naglalakad sa kalsada sa Brgy. Odiong, Altavas, Aklan.

Ang biktima ay kinilalang si Dolly Belarmino, residente ng Brgy. Man-up sa naturang bayan.

Nagtamo ito ng sugat sa ulo at iba't-ibang bahagi ng katawan na naging dahilan ng kanyang dagliang kamatayan.

Base sa imbestigasyon ng Altavas PNP station, habang naglalakad ang matanda sa kalsada dakong alas-6:30 ng gabi nang masagi ito ng isang 6-wheeler truck na minamaneho ni Johnny Dumagan, 62, ng Sapi-an, Capiz.

Tumilapon umano ang lola ng ilang metro at sa pagbagsak sa kalsada ay siya namang pagdating ng isa pang 6-wheeler truck na minamaneho ni Lorie Sambilad, 35, residente ng Negros Occidental at nasagasaan ito.

Napag-alaman na ang dalawang truck ay papunta sana sa siyudad ng Iloilo upang magdala ng kanilang mga kargamento.

Naaresto ang dalawang truck driver at nasa kustodiya ngayon ng Altavas PNP station at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente.

Contact Us

  • Address: 2406 Nobel corner Edison Streets, Makati City Philippines
  • Tel: +(632) 843 0116
  • Fax: +(632) 843 0116
  • Email: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.