Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na lehitimo at ligal ang ginawa nilang pag-aresto kay Marawi City Vice Mayor Arafat Salic na nahaharap sa kasong rebelyon.

Si Salic ay inuugnay sa teroristang Maute-ISIS na siyang nasa likod sa pananakop sa lungsod ng Marawi.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Philippine Army 103rd Brigade Commander, Col. Romeo Brawner, kaniyang sinabi na ang kanilang hawak ay Martial Law order No. 1 at ito ay valid pa rin hanggang sa ngayon at lahat ng mga nakasulat na pangalan doon ay dapat arestuhin, kabilang na si Salic.

Aniya, ginawa lamang nila ang kanilang trabaho lalo na ang pagpapatupad ng batas laban sa mga indibidwal na wanted at may pananagutan sa batas.

Samantala, sa mensaheng ipinadala ni Defense Sec. Delfin Lorenzana sa Bombo Radyo, itinanggi nito na revoked na ang kasong rebellion ni Salic.

Paliwanag ng kalihim na ang dahilan kung bakit pinalaya ni Prosecutor Peter Ong si Salic na iniugnay sa Maute-ISIS terror group ay dahil ang offense nito ay hindi na kailangan pa isailalim sa inquest proceedings.

Pero nagtakda ng bagong petsa si Prosec Ong para sa preliminary investigation.

“No. The dismissal by Prosecutor Peter Ong was only because he declared the offense was not subject to inquest proceedings but he set a date for the preliminary investigation,” mensahe ni Lorenzana.

Sa kabilang dako, nirerespeto naman ng PNP ang naging desisyon ng Department of Justice para palayain ang bise alkalde.

“The PNP respects the majesty of the law and abides with the decision of the court,” mensahe ni PNP spokesperson, S/Supt. Bernard Banac.