Bumisita ang mga anak ng yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos sa burol ni dating Pangulong Corazon Aquino sa Manila Cathedral.
Ganap na alas-dos y medya ngayong hapon ng dumating sa simbahan sina 2nd District Ilocos Norte Rep. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kapatid nito na si Imee Marcos para magbigay ng respeto sa dating Pangulo na siyang nagpatalsik sa pwesto sa kanilang ama 23 taon na ang nakakaraan.
Agad sumilip sina Imee at Bongbong kasama ang asawa nito sa labi ni Cory bago naupo sa upuan sa unang bahagi ng simbahan.
Sinalubong ang pamilya Marcos ng mga apo ni Cory habang ang kapatid ng yumaong dating Sen. Ninoy Aquino na si Butz Aquino ay hinalikan pa sa pisngi ang magkapatid na Marcos.
Tinabihan naman ng anak ni dating Pangulong Aquino na si Ballsy ang magkapatid na Imee at Bongbong Marcos.
Si Imee ay kinausap ni Ballsy kung saan ilang sandaling nagkwentuhan ang dalawa.
Sinasabing kumakain ng tanghalian ang iba pang anak ni Cory ng dumating ang magkapatid na Marcos.
Pag-alis nina Imee at Bongbong ay inihatid pa ang dalawa ng mga apo ng dating Pangulo.
"Nakikiramay kami," wika ni Bongbong habang palabas ng Cathedral.
Ang pagtungo nina Bongbong at Imee ay dalawang araw makalipas na sabihin ng kanilang ina na si dating First Lady Imelda Marcos na sana'y magkaayos na ang kanilang pamilya at pamilya Aquino.
Ang pahayag ni Mrs. Marcos ay kasunod na rin ng pasasamalat ni Kris sa pakikiramay at pagdarasal nila sa kanilang ina.
Sinabi pa ng dating unang ginang na simula pa noong ma-ospital si Cory ay walang sawa ang kanilang pagdarasal para sa ikakagaling nito.
“I can feel the pain of a loss of a loved one,” ani Mrs. Marcos.
Bagama't hindi pa ganap na nagkaka-ayos ang pamilya Marcos at Aquino, sapat na umano ang pakikiramay at pasasalamat ni Kris para sa kanila.
Matatandaang ang asawa ni Cory na si Ninoy ay pinaslang noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Naging pangunahing kritiko ng dating Pangulong Marcos ang asawa ni Cory at isa sa mga nakulong matapos maideklara ang Martial Law noong Setyembre 21, 1972.