You are here: HomeNews UpdateLatest NewsPagbabalik tanaw sa ilang malalaking balita sa nakalipas na taong 2013

Pagbabalik tanaw sa ilang malalaking balita sa nakalipas na taong 2013

By  Bombo News Team Posted in Latest News Wednesday, 01 January 2014 20:11

Supertyphoon 'Yolanda' matinding delubyo sa 2013

 

Nagsilbing bangungot para sa marami ang pananalasa ng supertyphoon Yolanda o may international name na typhoon Haiyan sa Pilipinas, ilang lugar sa Micronesia at Vietnam na ikinamatay ng nasa mahigit sa 6,000 katao lalo na sa Region 8.  Umabot sa 16 million katao sa Pilipinas ang nawalan ng tirahan sa anim na beses na pag-landfall ng bagyo noong Nobyembre 8.


Para sa mga survivors, aabutin pa ng hanggang taon bago makabangon sa matinding delubyo.


Batay sa estimate ng gobyerno baka abutin pa ng hanggang tatlong taon bago maibalik sa normal ang sitwasyon ng Tacloban City, bayan ng Palo, Tanuan, Sta. Fe, Alang-Alang, Jaro, Tunga, Carigara, Tolosa, Dulag, Dagami, Burawin, Canangga at Capoocan sa Leyte; Ormoc City; Basey sa Samar; Guian, Hernani, Lauan at Gen. Mc Arthur sa Eastern Samar; Balang Higa, Catbalogan sa Western Samar at Biliran province sa Region 8.


Maliban sa Region 8, maraming tao rin ang nasawi at nawalan ng bahay sa Antique, Cebu, Iloilo, Guimaras at Capiz.


Dahil sa naturang kalamidad dito muling pinagkaisa ang buong Pilipinas kasama ng international community na nakisimpatiya rin upang magbigay ng tulong sa milyun-milyong survivors lalo na sa relief efforts, retrieval, clearing at rehabilitation efforts.


Sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) umakyat na sa mahigit 6,000 ang bilang ng mga casualties kung saan karamihan sa mga ito ay nagmula sa Eastern Visayas na may mahigit 5,700; Eastern Samar na may 265; 224 naman sa Samar, anim sa Biliran province habang nasa 1,700 naman ang mga nawawala.


Nakapagtala naman ang NDRRMC ng nasa halos 28,000 na mga sugatan mula sa kabuuang 3.4 million pamilya na apektado o katumbas ng 16 million indibidwal.   Bagama't hindi pa tapos ang assessment umabot na sa $12.9 billion ang halaga ng pinsala ng bagyong Yolanda na maaari pang madagdagan.

 

 


Pork barrel: Biggest political scandal sa 2013

 

Ang pork barrel scam ay isa sa malaking political scandal na yumanig sa buong burukrasya ng Pilipinas sa taong 2013.


Ito ay kaugnay sa sinasabing maanomalyang paggamit ng ilang senador, kongresista at ahensiya ng gobyerno sa kontrobersiyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) o lumpsum discretionary fund ng mga mambabatas na para sana sa kanilang mga "priority development projects."


Simula noong 2008, ang bawat miyembro ng House of Representatives ay may taunang PDAF allocation na P70 million habang ang bawat senador naman ay mayroong annual allocation na P200 million.  Maging ang pangulo ng bansa ay nakikinabang din sa PDAF-like allocation na President's Social Fund (PSF) na tinatayang nasa P1 billion.


Bagamat matagal na ring nauungkat na ugat ng katiwalian din ang pork barrel, pero sa pagkakataong ito ay nagkaroon ng “mukha” ang malaking iskandalo sa korapsyon.


Buwan ng Hulyo nang unang pumutok ang anomalya, sa gitna ng kasong serious illegal detention na kinasangkutan ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles na isinampa ng pamangkin na si Benhur Luy.  Sa kaniyang testimoniya, ibinulgar ni Luy ang mga kinalaman ni Napoles at ng mga itinayo nitong mga non-governmental organizations (NGOs) sa naunang fertilizer fund scandal noong 2004.


Mula sa fertilizer scandal, lumalim pa ang mga expose ni Luy laban sa dating amo hanggang sa mabulgar ang PDAF, Malampaya at Disbursement Acceleration Program (DAP) scandals.  Sa pagtaya ng Department of Justice, sinasabing nasa P10-billion ang nakulimbat ni Napoles mula sa serye ng maanomalyang government transactions.


Samantala sa botong 14-0, idineklara ng Supreme Court na "unconstitutional" ang "pork barrel" system habang nakabinbin pa ang petisyon laban sa DAP. 


Sa pagpasok ng taong 2014, nakaantabay ang buong bayan sa magiging kalalabasan ng mga imbestigasyon at nakabinbing mga kaso kaugnay sa mga anomalya sa paggamit ng pondo ng gobyerno.

 

 

'Bangungot' na dala ng MNLF attack sa Zamboanga City

 

September 9, 2013, ito ang araw na tumutok ang buong bansa at mundo sa Zamboanga City kasunod ng hindi inaasahang pag-atake ng daan-daang armadong miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) na tinagruiang rogue MNLF elements (RME) na nasa ilalim ng Sulu State Revolutionary Command (SSRC) sa pamumuno ni Ustadz Habier Malik at Khaid Ajibon.


Ito ang MNLF faction na patuloy na kumikilala kay MNLF founding chairman Nur Misuari, ang tinaguriang utak sa madugong pag-atake sa lungsod.


Ang binansagang MNLF September 9 attack ay marahil ang isa sa mga pangyayaring hindi kailanman makakalimutan ng mga Zamboanguenos at mananatiling nakaukit sa kasaysayan ng bansa na kahit sa panaginip ay hindi inaasahang mangyayari ang ganitong trahedya sa lungsod.


Ang naturang pag-atake ay nagresulta sa matinding sagupaan na tumagal ng halos isang buwan na siyang pinakamahabang bakbakan na pinagdaanan ng tropa ng pamahalaan laban sa mga kaaway ng gobyerno bunsod ng armed conflict na nagbuwis ng buhay ng mahigit 200 katao.


Sa record ng binuong Crisis Management Committee (CMC) sa pangunguna ni Zamboanga City Mayor Maria Isabelle Climaco, ang halos isang buwan na sagupaan ay kumitil ng kabuuang 38 na buhay mula sa mga tropa ng mga sundalo, Philippine National Police (PNP) at kabilang din ang ilang inosenteng sibilyan.   Umaabot din sa 1,415.07 hectares na bumubuo ng pitong barangay ang naapektuhan dala ng matinding bakbakan.

 

 


Winning streak ng mga Pinay beauty queens


Humabol pa sa 2013 ang panibagong tagumpay ng gandang Pinay matapos itanghal nitong huling gabi ng Disyembre ang kandidata ng Pilipinas bilang Miss Tourism International.


Itinanghal si Angeli Dione Gomez bilang 17th Miss Tourism International 2013 na siyang nanguna sa 60 kalahok.


Ginanap ang patimpalak sa Putrajaya Marriott Hotel, IOI Resort City, Sepang Utara, Malaysia.


Sa buwan din ng Disyembre iniuwi ng 23-anyos Bea Rose Santiago ang ika-limang Miss International title.


Sa kauna-unahang pagkakataon din ay nakapag-uwi na ng Miss World title ang Pilipinas sa pamamagitan ng TV host/actress na si Megan Young. Si Young na tubong Olongapo ang kauna-unahang showbiz celebrity na sumali sa nasabing beauty pageant pero hindi nagpakampante sa kanyang celebrity status.


Pero maliban kay Young, tagumpay din ang Pilipinas na maipagpatuloy ang winning streak mula noong 2010 kung saan lagging pasok sa Top 5 ang Pilipinas. Ngayong taon ay kinoronahan bilang third runner-up si Ariella Arida. Naging kontrobersyal ang Laguna native beauty queen dahil sa pamamaraan nito ng pagsasalita ng Ingles, pero naging angat sa question and answer portion dahil bukod tangi itong hindi gumamit ng interpreter.


Ngayon taon din nasungkit ng Pilipinas ang first ever Miss Supranational title sa pamamagitan ni Mutya Johanna Datul na ginanap sa Sports Palace sa Minsk, Belarus.  Si Datul, 21, ay mula sa bayan ng Sta. Maria sa probinsya ng Isabela.


Humakot din ng special awards si Angelee (Olongapo City, Zambales) kung saan runner-up ito sa National Costume, Miss Photogenic, Swimsuit Competition at iba pa.


Hindi rin nagpahuli ang isa pang Pinay beauty queen matapos kinoronahang third runner-up sa 2013 Miss Intercontinental pageant na ginanap sa Magdeburg, Germany. Tinalo ng 18-anyos na si Koreen Medina ang 58 pang mga kandidata mula sa iba't ibang panig ng mundo upang makamit ang pinakamataas na puwestong nasungkit ng Pilipinas sa kompetisyon mula noong 1994.

 

 


Bohol killer quake: Aftershocks, tatagal hanggang 2014

 

Umaabot na sa halos 5,000 ang mga pagyanig na naitatala sa lalawigan ng Bohol, pati na sa mga karatig nitong lugar na una nang nakapagtala ng 7.2 magnitude na lindol.


Magugunitang nangyari ito noong Oktubre 15, 2013, kung saan mahigit 200 ang naitalang nasawi at maraming istraktura ang bumagsak.


Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Dir. Renato Solidum, pinakamalakas sa mga ito ay umaabot ng mahigit sa magnitude 5.0.


Pero paglilinaw ni Solidum, lahat ito ay pawang aftershocks ng lindol noong Oktubre.


Sinabi pa nito na sa nabanggit na bilang ay halos 200 lamang ang naramdaman ng mga mamamayan.


Inaasahan na aabot pa ang patuloy na aftershocks hanggang sa 2014.


Sa pag-aaral ng mga eksperto, natuklasan na maliban sa malaking pinsalang idinulot ng lindol, bahagya ring lumapit ang ilang bahagi ng Bohol sa lalawigan ng Cebu.


Lumalabas na 55 sentimetro sa kanluran ang naging galaw ng isla sa Bohol.


Dahil pa rin sa major quake na ito, natuklasan ng Phivolcs ang panibagong fault line na bagaman dati nang umiiral, ngayon lang umano naging aktibo.  Pinangalanan ito ng mga eksperto bilang North Bohol Fault.

 

 


Manny Pacquiao 'comeback' at tax case

 

Matapos ang dalawang sunod na pagkatalo noong 2012 laban kina Timothy Bradley at knockout (KO) lost kay Juan Manuel Marquez, bumangon muli si eight division world champion Manny Pacquiao.


Kagaya nang sinabi nitong “we will rise again”, nanalo si Pacman sa kaniyang comeback fight laban kay dating light welterweight champion Brandon “Bam Bam” Rios noong Nobyembre.


Ginanap ang nasabing laban sa Venetian Hotel sa Macau, China.  Nanumbalik ang dating sigla at bilis ni Pacquiao sa laban kung saan bugbog sarado ang inabot ni Rios.


Bagama't hindi KO o TKO ang panalo ng Pinoy boxing champion, dominado naman ito ang laban sa halos boung round.


Inialay din ni Pacquiao sa mga biktima ng bagyong Yolanda ang kanyang panalo.  Ngunit ang masayang panalo ng fighting congressman ay nauwi sa panghihinayang.


Ito ay matapos magpalabas ng freeze order ang Court of Tax Appeals (CTA) sa mga ari-arian at bank deposits ni Pacquiao. May kinalaman ang problema sa buwis ni Pacquiao sa sinasabing kabiguan nitong ilagay sa kanyang income tax return (ITR) ang milyun-milyong dolyar na buwis na kinolekta ng US Internal Revenue Service (IRS) para sa kanyang mga napanalunan sa boxing mula taong 2008 hanggang 2009.


Giit ng Bureau of Internal Revenue (BIR), obligasyon ni Pacquiao na ideklara sa kanyang ITR ang lahat ng kayamanan kabilang na ang mga kinita niya sa ibang bansa.

 

 

Basketball team Gilas Pilipinas nagpakitang gilas sa FIBA Asia

 

Umukit din kasaysayan ang Philippine national basketball team o mas kilala sa tawag na Gilas Pilipinas.


Ito ay matapos ang 40 taon muling maglalaro ang Pilipinas sa World Cup of Basketball.


Tumapos na runner-up ang Gilas sa FIBA Asia na ginanap sa Pilipinas na nangangahulugang na-qualify na ito sa 2014 FIBA World Cup na gagawin sa bansang Espanya. Hindi naging madali ang pinagdaanan ng national team bago umusad sa championship game laban sa powerhouse team Iran.


Kinailangan nilang talunin ang Qatar, Hong Kong, Singapore, Japan, Saudi Arabia at ang mahigpit na karibal na Korea.


Sa nangyaring finals, yumuko ang Pilipinas laban sa Iran kung saan nasungkit ang ikatlong kampeonato sa FIBA Asia, 85-71.

 

 

OFWs 'naipit' sa galit ng Taiwan: Balintang Channel incident


Tinatayang mahigit sa 10,000 mga OFWs ang naapektuhan sa tatlong buwang moratorium na ipinataw ng Taiwan sa Pilipinas  kasunod nang pagkasawi ng Taiwanese fisherman sa tinaguriang Balintang Channel shooting incident.


Nag-ugat ang insidente noong May 9, 2013 nang mapatay umano ng ilang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) patrol boat Maritime Control Surveillance 3001 ang Taiwanese fisherman na si Hung Shih-cheng.


Nabatid na umaabot sa 11 sanctions ang ipinatupad ng Taiwan sa Pilipinas kasunod ng pagkakapatay sa Taiwanese.  Kabilang dito ang pagbawal sa pagpunta ng Pilipinas ng kanilang pulisya, pagpapalabas ng red travel alert, pagbawal ng kanilang produkto at ang pagtanggap ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na tumagal halos ng tatlong buwan mula Mayo hanggang Hulyo kung saan halos P36 billion ang nawala sa pag-hire lamang ng Pinoy workers.


Maging ang partisipasyon ng Philippine basketball team na sana ay defending champion ay hindi inimbitahan sa Jones Cup upang maidepensa sana ang korona.
 

Nagdulot din ito ng tensyon sa maraming OFW sa Taiwan na may ilang report pa na iniipit ang ilang mga Pinoy na naging dahilan para matakot kaya naglagi na lamang sa mga bahay.


Kaya naman itinuturing ng pamahalaan ng Pilipinas na malaking oportunidad ang tuluyang pagtanggal ng Taiwanese government sa lahat ng mga ban na ipinatupad kasunod ng paghingi ng paumanhin ng bansa.


Maliban sa paghingi ng paumanhin ng Pilipinas, ipinaabot din sa pamilya ng biktima ang hakbang na mabigyan ng kaukulang kompensasyon ang mga ito.


Inirekomenda naman ng mga otoridad sa Pilipinas ang homicide case laban sa walong tauhan ng PCG na nakabaril sa Taiwanese.

 


 2013 May midterm elections


Sinasabing ang naganap na midterm elections ay bahagi ng pagposisyon ng mga politiko lalo na sa national level para sa mas malaking halalan na presidential elections sa taong 2016.


Dito pinagtibay sa ikalawang pagkakataon kung gaano kaepektibo ang computerized elections sa kabila ng pagdududa pa rin ng ilang mga kritiko.


May mga sorpresang nahalal sa 12 mga senators (half of the Senate) at sa 229 district members  sa House of Representatives at mga partylist.


Dito naging usap-usapan ang mga alyansa ng mga partido at politiko na dati ay magkakaaway, ngayon naman ay nagsama-sama.


Meron namang dating magkakapartido, pero sa naganap na halalan ay dumistansiya na sa isa't isa.


Kasabay din sa halalan ang local elections at general election sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).


Sa kabuuan umabot sa 18,022 national at local positions ang naging tampok na pinag-agawan.


Bagamat nandiyan pa rin ang ilang mga palagiang problema, sa katatapos namang halalan ay  ipinagmalaki ng Comelec, PNP at AFP na hindi gaano umano ang karahasan kumpara sa ibang mga halalan.


Ang halalan sa bansa ay hindi pa rin maipagkakaila na syang pinakamalaking kaganapan na pinagkakaabalahan ng buong bansa.

 


Hagupit ng 'habagat' nagbalik trauma sa sinalanta ni 'Ondoy'


Nagdulot ng malaking perhuwesyo at trauma sa maraming mga residente lalo na sa Metro Manila ang nangyaring matinding baha dala ng habagat o southwest moonsoon noong August 18-20, 2013.


Nagbalik tanaw ito sa marami sa nangyari namang matindi ring pagbaha dala ni "Ondoy" at habagat noong taong 2009.


Nanalasa ang bagyong Maring sa Northern Luzon at naapektuhan ang maraming lugar sa rehiyon.


Sa NCR inihalintulad ng maraming mga residente ang malawakang pagbaha na dala naman noon ni typhoon Ondoy na sinabayan pa ng high tide kaya hindi kagad humupa ang baha.


Sinasabing walo ang iniwang patay, habang mahigit sa 200,000 naman ang nawalan ng bahay.

Read 2586 times Last modified on Wednesday, 01 January 2014 20:45

Contact Us

  • Address: 2406 Nobel corner Edison Streets, Makati City Philippines
  • Tel: +(632) 843 0116
  • Fax: +(632) 843 0116
  • Email:  This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.