Kamara, pinagdahan-dahan na ang spokespersons sa pagdadaldal

Kinumpirma ni House lead prosecutor Rep. Niel Tupas na kinausap nito ang kanilang mga tagapagsalita upang magdahan-dahan sa pagsasapubliko ng mga impormasyon kaugnay ng impeachment case ni Chief Justice Renato Corona.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Tupas na pinulong nito ang mga tagapagsalitang sina Rep. Miro Quimbo, Rep. Sonny Angara maging si Rep. Erin Tañada at hinimok na galangin ang direktiba ng impeachment court na magdahan-dahan sa pagsisiwalat ng mga impormasyon sa media o sa publiko kaugnay ng merito ng kaso at huwag pangunahan ang paglilitis ng hukuman.

"Noong nagreklamo ang mga senador ay agad kaming nag-usap ng aming tagapagsalita, sinabihan ko na ito lang ang guidelines, sundin natin to kasi ito yong nirereklamo ng mga senador at may directive si Senate President Juan Ponce Enrile," ayon kay Tupas

Magugunitang nagisa si Tupas nina Sen. Chiz Escudero at Senate President Pro-tempore Jinggoy Estrada sa open session nitong araw ng Huwebes nang hindi nito mapatunayan sa loob ng korte ang unang akusasyon na umabot sa 45 ang ari-arian ni Corona samantalang nasa 24 lamang ang kanilang actual na kinikwestyon sa impeachment court.

Una nang tumayo si Sen. Gringo Honasan sa impeachment proceedings kung saan pinuna nito ang umano'y mas mabilis na paglilitis sa labas kaysa loob ng korte.

Samantala, wala namang pagtutol si Tupas sa mungkahi ni Honasan na siya mismo bilang lead prosecutor ang mag-uulat sa open session ng impeachment court kaugnay ng kalagayan ng kanilang kaso upang hindi na mapangunahan ng mga spokespersons.

Sa mungkahi ni Honasan, ang lead counsel mismo ng depensa at prosekusyon ang mananagot sa korte sakaling may paglabag sa panuntunan ng hukuman ang mga tagapagsalita nito sa patuloy na pagsasapubliko ng mga impormasyon sa impeachment trial.

Sa darating na araw ng Lunes ay magkakaroon din ng caucus ang mga senador kung saan hinihingan ng ulat ang impeachment court spokesperson na si Atty. Tina Cruz kaugnay ng kanyang pakikipagpulong sa tagapagsalita ng prosekusyon at depensa.

Batay sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Cruz, handa naman umano siyang magbigay ng ulat sa mga senador.


More News:

Alternative flash content

You need to upgrade your Flash Player

Get Adobe Flash player

Banner

Weather Update

Site Meter