Pumalo na sa P464.3-milyon na ang naitalang production loss at 22,918 metric tons naman ang volume loss sa sektor ng agrikultura dahil sa nararanasang El Niño.

Ayon kay NDRRMC Executive Director USec. Ricardo Jalad, ito ay batay sa ulat ng Department of Agriculture na inilabas noong Marso 8.

Nasa 16,034 na mga magsasaka naman aniya ang apektado mula sa mga Rehiyon 9, 10, 11, 12, Mimaropa, at Bangsamoro.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Jalad na nag-uusap na ngayon ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) kasama ang Manila Water at Maynilad para sa kanilang gagawing hakbang para maibsan ang water shortage na nararanasan ngayon sa ilang mga lugar sa Metro Manila.

Tiniyak naman ng MWSS na matutugunan ang problema sa kakulangan ng tubig.

Umapela naman si Jalad sa publiko na magtipid ng tubig lalo na ngayong nakakaranas ng water shortage ang ilang lugar sa Metro Manila.