Nasa 32 mga pulis ang naaresto dahil sa paglabag sa umiiral na Commission on Elections (Comelec) gun ban sa buong bansa na nagsimula noong buwan ng Enero.

Ayon kay PNP Spokesperson S/Supt. Bernard Banac, sa mga checkpoint nahaharang ang mga pulis na bitbit ang kanilang mga personal na armas na walang gun ban exemption.

Nahaharap ngayon sa kasong administratibo ang mga nasabing pulis.

Sinabi ni Banac, nararapat lamang na ipaliwanag ng mga nasabing pulis kung bakit nila nilabag ang umiiral na alituntunin at patakaran ng PNP lalo na’t sila ang mga tagapagpatupad ng batas.

Sa hanay naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), limang sundalo ang lumabag sa gun ban, dalawang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology, 57 security guard at tatlong foreign national.