Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi na bibigyan pa at tatanggalan ng lisensiya ang mga gun owners na nahuli sa ipinapapatupad na Commission on Elections (Comelec) gun ban sa buong bansa.

Ayon kay PNP Spokersperson S/Supt. Bernard Banac, ito ay dahil sa nilabag ng mga gun owners ang kanilang sinumpaang pangako na maging responsible gun owner.

Sa datos ng PNP, mataas pa rin ang bilang ng mga sibilyan na nasa 2,924 ang lumabag sa Comelec gun ban na nagsimula noong buwan ng Enero.

Hindi naman sinabi ni Banac kung ilan sa nasabing bilang ay mga gun owners.

Samantala, dismayado naman ang PNP na nasa 32 pulis ang nahuli dahil sa gun ban.

Ayon kay Banac, sinampahan na ng kasong administratibo ang mga nasabing pulis.

Giit ni Banac, tama lamang na magpaliwanag ang mga nahuling pulis na dapat sila ay tagapagpatupad ng batas ay siya ring lumalabag.

Umapela naman ang PNP sa mga gun owners na boluntaryong isuko ang kanilang mga armas lalo ba yung mga expired ang lisensiya.