Reading Time: 1 minute

Natanggap na ng PNP Custodial Center ang release order para kay dating Sen. Ramon “Bong” Revilla, na unang pinawalang-sala ng Sandiganbayan sa kasong plunder kaugnay ng tinaguriang “pork barrel” scam.

Ito ang kinumpirma ni Cavite Vice Governor Jolo Revilla, anak ng senador na nakaantabay sa labas ng custodial center.

Sa release order na iprinisinta ng court sheriff, ipinag-utos ng Sandiganbayan ang pagpapalaya kay Revilla matapos itong makapagpiyansa ng P480,000 para sa iba pang kasong graft na kinakaharap nito.

Sa kasalukuyan ay nakalabas na ng PNP Custodial Center si Revilla kung saan ay kumaway pa ito sa kanyang mga tagasuporta bago tuluyang umalis.

Una nang sinabi ni Jolo, mula sa Camp Crame ay dederetso ang kanilang pamilya sa Imus Cathedral para ipagpasalamat ang pagkakalaya ng dating mambabatas matapos ang mahigit apat na taong pagkakabilanggo.

Mula roon ay tutuloy ang pamilya sa Angelus Memorial Gardens sa Imus para dalawin ang yumaong ina ni Bong, at bibisita naman sa kanyang amang si dating Sen. Ramon Revilla Sr. kalaunan.