Nakatakda sa darating na Sabado o Linggo ang cloud seeding operations ng Philippine Air Force (PAF) para maibsan ang epekto ng El Niño lalo na sa mga pananim.

Ito’y matapos aprubahan ang naging request ng Department of Agriculture (DA) para sa gagawing cloud seeding operations.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PAF spokesperson Maj. Aristides Galang, sinabi nito na ang inisyal na cloud seeding ay gagawin sa Cauayan, Isabela.

Ito ay para matubigan ang mga natutuyong pananim doon sa lugar.

Hindi naman masabi ni Galang kung kailan magsasagawa ng cloud-seeding operations sa area ng Angat Dam na siyang pinanggagalingan ng 90 percent ng supply ng tubig ng Metro Manila.

Paliwanag ni Galang ang DA ang siyang nagdedetermina ng target areas, dahil ang PAF ay taga-provide lang umano ng personnel at eroplano.

Gagamitin aniya sa cloud seeding operations ng mga Nomad aircraft ng 220th airlift wing, at ang magpapalipad naman ng mga ito ay mga piloto mula sa 900th Airforce Weather Group.

Sa ngayon, nasa proseso na ang PAF sa paghahanda sa Nomad aircraft na siyang gagamitin para sa cloud seeding.
Aniya, ang nasabing aircraft ay magmumula pa sa kanilang Tactical Operations Command sa Zamboanga City, dadaan pa ng Mactan, Cebu at patungo sa Luzon.

” ‘Yung request coming from the DA, ang request nila is start on March 14 until May at naka depende sa DA kung hanggang kelan nila iuutilize yung aircraft, starting on Saturday, magstart na yung cloud seeding operation, onwards na lang and then the DA or the bureau of soil and water management sila na yung magdedetermine kung san ang, san nila balak ipriority , as of now ang info sa Air Force is we will be deploying our air asset dun sa Cauayan Isabela, so ibig sabihin dun muna,” pahayag ni Galang.