(UPDATE)- Pinaniniwalaang kabilang umano si Abu Dar sa anim na Dawlah Islamiyah-Lanao Group fighters ang patay sa enkwentro laban sa mga tropa ng pamahalaan sa Lanao del Sur nitong Huwebes.

Ayon kay Philippine Army 103rd Brigade Commander Col. Romeo Brawner na batay sa ibinigay na impormasyon ng kanilang tatlong informants, kabilang umano sa mga napatay na terorista ay si Abu Dar.

Gayunpaman sinabi ni Brawner na hindi pa ito kumpirmado at humiling na sila sa higher headquarters para magsagawa ng DNA test para makumpirmang patay na nga si Abu Dar.

Si Abu Dar ang nag assume bilang Dawlah Islamiyah-Lanao group commander matapos ang Marawi siege at ang neutralization ng Maute Brothers at maging ni Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon.

Sinabi naman ni 49th IB Commanding Officer Lt Co Edgar Allan Villanueva, na noong kasagsagan ng enkwentro kasama ni Abu Dar ang nasa 20 miyembro nito.

Tiniyak naman ni Western Mindanao Command Commander Lt Gen. Arnel Dela Vega na hindi titigil ang kanilang opensiba hanggat hindi na neutralized ang mga terorista.

Sa kabilang dako, ayon naman kay Wesmincom spokesperson Col. Gerry Besana apat na sundalo ang nasawi sa nangyaring sagupaan kahapon laban sa grupo ni Abu Dar.